HINDI kukunsintihin ni Philippine Army commanding General, Maj Gen Romeo Brawner ang tatlong sundalo na inaresto ng mga tauhan ng PNP-National Capital regional Police Office matapos na mamaril gamit ang isa sa kanilang service firearms na ikinasugat ng anim na katao kabilang ang tatlong menor de edad sa Barangay Pinagsama, Taguig City nitong Pasko.
Ito ang tiniyak ni Army Public Affair Office chief Col. Xerxes Trinidad kasabay ng pahayag na tuloy tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa PNP-NCRPO para sa anumang legal action bukod sa kanilang pansariling imbestigasyon kaugnay sa kasong administratibo.
Sa inisyal na report, nag-iinuman ang mga sundalo nang pagbabatuhin umano ng grupo ng mga biktima na nauwi sa pamamaril bandang alas 3:00 ng madaling araw ng pasko.
Kinilala ni PNP-NCRPO chief Maj General Vicente Danao ang mga sundalong nakakulong ngayon na sina Capt. Nheiljay Maguddayao Garcia, 2Lt. Felomino Maguddayao Garcia at 1Lt. Minalyn Awat Ladyong.
Nagpapagaling na sa ospital ang mga biktima habang naaresto naman ang 3 sundalong miyembro ng Pilippine Army na sasalang sa court martial proceedings at mahaharap sa patong-patong na kaso.
Nabatid na sa galit umano ng mga sundalo matapos silang pagbabatuhin ay pinaputukan nila ang direksyon ng mga biktima na kinilalang sina Edsel Hecita Polo, 28-anyos; JD Umbaro Navales, 24-anyos; John Carl Marca Sabino, 18-anyos; at tatlo menor de edad na may edad na 17, 16, at 14.
Itinakbo sila sa Ospital ng Makati at Taguig Pateros District Hospital.
Ayon kay Police Lt. Col. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng National Capital Region Police Office, na iniimbestigahan na ang insidente katuwang ang Philippine Army.
“They will still conduct an in-depth investigation to determine really kung ano po talaga ang facts of the case at makakaasa po ang publiko na they will conduct an investigation fairly and squarely,” aniya.
Si Capt. Garcia ay nakatalaga sa Training and Doctrine Command sa Capas, Tarlac; si 2Lt. Garcia naman ay nasa Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig; habang si Ladyong ay naka-detailed sa Army Signal Regiment, sa Fort Bonifacio. VERLIN RUIZ