DALAWA pang barangay sa Quezon City ang napasok ng coronavirus disease (COVID-19), batay sa ulat ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit and District Health Office (QCESUDHO).
Sa record, 29 na barangay na ang isinailalim sa Extreme Enhanced Community Quarantine at ang bagong lugar na nadagdag ay ang Barangay Pansol at Commonwealth.
Sa report naman ng Department of Health (DOH), sumampa na sa 625 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa lungsod nang maidagdag ang bagong 42 kaso.
Gayunman, paglilinaw ng QCESUDHO, sa nasabing bilang ay 563 na pasyente ang may kompletong address habang ang 550 cases ay kanilang na-validate na kumpirmadong positibo sa COVID-19.
Sa loob ng tatlong araw, wala namang naitalang nasawi dahil nananatili pa rin sa 34 ang bilang ng iginupo ng coronavirus.
Samantala, 11 pang pasyente ang nadagdag sa mga gumaling kaya 28 na ang tuluyang pinauwi mula sa iba’t ibang ospital.
Ipinaliwanag naman ng QCESUDHO na isinasailalim sa EECQ ang isang barangay kapag nakapagtala ng dalawang kaso ng COVID-19. EVELYN GARCIA
Comments are closed.