(3 suspek nasakote) PANGINGIDNAP SA KAPWA CHINESE IIMBESTIGAHAN

IPINAG-UTOS ni Southern Police District (SPD) director Brig. Jimili Macaraeg para sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa tumataas na bilang na kaso ng kidnapping sa mga Chinese ng kapwa nila kababayang Chinese.

Inilabas ni Macaraeg ang naturang kautusan sa mga imbestigador ng SPD makaraang maaresto ang tatlong Chinese national na kumidnap sa kapwa nila Chinese nitong Sabado ng umaga sa Barangay Baclaran, Paranaque City.

Kinilala ni Macaraeg ang mga suspek na sina Jiang Jialan, 22-anyos; Wang Lei, 27-anyos; at Wu Jin Ku, 24-anyos, isang tattoo artist.

Sinabi ni Macaraeg na nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga suspek makaraang ma-rescue ng mga operatiba ng Pasay City police na pinamumunuan ni police chief Col. Cesar Paday-os ang biktimang kinidnap na si Lu Genshen, 27-anyos sa EMC Building sa Lt. Garcia St., Barangay Baclaran dakong alas-9:20 ng umaga.

Base sa report ni Paday-os kay Macaraeg, dinukot ng mga suspek si Genshen sa Shore Residence sa Pasay City noong Pebrero 7.

Sa isinagawang rescue operation ng Pasay City police, sinabi ni Macaraeg na dalawa pang Chinese national ang natagpuan na biktima rin ng kidnapping.

Ang isa sa natagpuang biktima ng kidnapping ay nakilalang si Zhao Yinglong na dinukot nito lamang Pebrero 11 sa Pasay habang ang isa pang biktima na nakilalang si Han Wei Ming ay tinangay din ng mga ito noong Pebrero 9 sa Paranaque City.

Sa isinagawang operasyon ng pag-rescue at pag-aresto sa mga suspek ay narekober sa mga ito ang limang posas. MARIVIC FERNANDEZ