3 SUSPEK SA PMA HAZING TUKOY NA

baguio police

TUKOY na ng pulisya ang tatlong suspek sa pagkamatay ni 4th class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Ayon sa Baguio City police, bukod sa tatlong suspek na hindi pa pinangalanan, nadagdag ang dalawang kapwa kadete ni Dormitorio sa mga itinuturing na persons of interest.

“Iyong 3 persons of interest ngayon, we officially classify them as suspects and we might add some more cadets depende sa lalabas sa investigation natin if they are involved directly or indirectly,” ani Police Col. Allen Rae Co, acting director ng Baguio City police.

“Mayroon pa tayong 2 more persons of interest… Mayroon na kasing evidence as well as testimonies which tend to prove ‘yung culpability nila,” dagdag ng opisyal.

Kinumpirma rin ni Maj. Reynan Afan, PMA spokesman, na may dalawang senior cadets ang naka-stockade ngayon habang may isa pang nasa holding area at patuloy na sumasailalim sa imbestigasyon

Nabatid na pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at  Interior Secretary Eduardo Año ang ginawang send-off ceremony sa  Loakan Airport para sa paghahatid ng labi ni Dormitorio sa kanyang hometown sa Cagayan de Oro nitong Sabado.

Tiniyak naman ni Armed Forces chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. na walang ‘white wash’ na magaganap sa isinasagawang imbestigasyon.

Kapwa sinisilip ng PMA at ng Baguio City police kung nagkaroon ng administrative lapses sa kaso ni Dormitorio na sinsabing tatlong beses na dinala sa PMA hospital.

Tinitingnan naman ng PMA kung ilang beses nabugbog si Dormitorio dahil bago namatay ay dalawang beses pa itong na-confine sa ospital noong Agosto.

“Officially sa report… he was first brought to the hospital noong August 20 and was confined for 8 days… And then noong September 6,” ayon kay  Co.

Dismayado naman ang mga police investigator dahil hindi umano gumagana nang maayos ang CCTV sa barrack kung saan hinihinalang naganap ang hazing .

Kaugnay nito, tiniyak ni Gen. Madrigal na mananagot ang lahat ng responsable sa naganap na hazing sa loob ng Fort Del Pilar.

“Let it be known that the AFP does not tolerate any kind of action that endangers the lives of all our members, more so future leaders of our organization. We hold every soldier, cadet, and civilian employee with the highest standards of professionalism and respect for the human life,” aniya.

“We will make sure na walang cover up at nakita natin ang tunay na nangyari. And then we will institute measures on how to prevent this kind of incident,” paha­yag naman ni Sec. Año na na­ngako na iiral ang transparency sa ginagawang imbestigasyon. VERLIN RUIZ