3 SWINDLERS TIKLO SA ENTRAPMENT OPERATIONS

swindlers

MANDALUYONG CITY – ARESTADO sa isang entrapment operation ang tatlo katao sa reklamong extortion noong Huwebes sa lungsod na ito.

Nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Mandaluyong Police Station bilang tugon sa reklamo ng isang biktima na taga-Caloocan City kung saan siya ay hiningian ng P7,000 kapalit ng pagpapababa ng kanyang electric bill.

Nauna nang nagbayad ang biktima ng nasabing halaga noong Abril 21 ngunit nang dumating na ang kanyang bill ay hindi naman ito nangalahati at siya pang tumaas.

Kaya nang ireklamo niya ito sa suspek ay hini­ngian ulit siya ng karag­dagang P7,000 upang ayusin na ang kanyang metro.

Ayon sa biktima, sa isang convenience store sa Mandaluyong  nais makipag-usap ng suspek kaya ikinasa ang entrapment operation sa pagtutulungan ng mga kawani ng Meralco at ng Station Investigation and Detective Management Section ng Mandaluyong Police.

Nang lumabas ang mga suspek at ang biktima mula sa conveniene store, dito na inabot ang marked money sa mga suspek na hudyat naman upang hulihin na ng mga pulis ang mga ito na nakilalang sina Niño Bermudez, Junald Comadug, at Mary Rose Nituya na taga-Sta. Maria at Pandi, Bulacan. PILIPINO Mirror Reportorial Team