(3 taon naudlot dahil sa pandemic, pagputok ng bulkang Mayon) IBALONG FESTIVAL BABALIK NA

LEGAZPI CITY-DAHIL sa tatlong taong kanselasyon dulot ng COVID-19 pandemic at pagputok ng Bulkang Mayon, naghahanda na ang pamahalaang lungsod ng Legazpi para sa pagdiriwang ng 33rd Ibalong Festival.

Sinabi ni City Tourism officer Agapita Pacres sa isang panayam kamakailan na nagsagawa na sila ng serye ng mga pagpupulong kasama ang mga tagapangulo ng iba’t ibang komite upang matiyak na magiging matagumpay ang mga kaganapan sa pagdiriwang.

Aniya, inimbitahan nila ang iba’t ibang mga paaralan at partner agencies na makiisa sa pagdiriwang at magdaos ng mga event na magpo-promote sa Legazpi City at sa iba pang lalawigan sa Bicol.

Sinabi ni Pacres na ang 9-day celebration ay gaganapin sa Agosto 9-17.

“Inaasahan namin na mahigit 20,000 katao ang dadalo sa seremonya ng pagbubukas ng Festival na magtatampok ng mga pagtatanghal ng mga inimbitahang banda sa Sawangan Park. Magkakaroon din ng gabi-gabing beer plaza at iba pang libangan hanggang sa huling araw ng pagdiriwang” ani Pacres.

Sinabi niya na ang mga kaganapan ay kabibilangan ng “Mutya ng Ibalong”, street dance competition, sporting events at isang “bike challenge” na lalahukan ng ilang lokal at international athletes gayundin ang partisipasyon ng Ballet Philippines na gaganap ng epikong sayaw ng Ibalong.

Ang Ibalong Festival ay isang non-religious event sa Legazpi City na nagpapakita ng epikong kuwento ng Kaharian ng Ibalong kasama ang tatlong maalamat na bayaning sina Baltog, Handyong at Bantong.
RUBEN FUENTES