NUEVA VIZCAYA- NASAKOTE ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong tulak sa isinagawang buy-bust operation sa Bagabag sa lalawigang ito.
Sa inisyal na report ng PDEA, ang mga nasakote ay nakilala sa mga alias na sina Mae, 52-anyos, Jenny, 52-anyos at Mark, 46-anyos.
Ang mga suspek ay nasabat ng mga awtoridad nitong Lunes ng hapon kung saan nakasamsam ng humigit kumulang sa 44 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na umaabot sa halagang P5.2 milyon.
Nakuha rin sa mga suspek ang tatlong cellphone at isang Nissan Escapade van na may plakang NVI-165.
Ayon sa pahayag ni PDEA Region 2 Director Levi Ortiz, ang mga suspek ay itinuturing na high value individuals.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act. of 2002 ang mga suspek.
EVELYN GARCIA