WINASAK ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tatlong toneladang unsafe goods na nakatengga sa bodega ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na hindi na ligtas para sa human consumption.
Ayon sa report, ang unsafe goods ay ang expired food supplies, dietary supplements at medicines na kung saan dumating ito sa ibat-ibang warehouse sa NAIA nang walang permit at approved clearances mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ni NAIA-Customs District Collector Mimel Talusan, isinasagawa nila ang patuloy na condemnation ng overstaying at unsafe goods upang mapadali ang disposal ng mga overstaying cargo sa mga bodega.
Aniya, alinsunod ito sa kautusan ni Customs Commissioner Leonardo Guerrero upang lumuwag ang mga warehouse sa bakuran ng NAIA partikular ang mga abandonado at overstaying cargo.
Gayundin, patuloy na isinusulong nito ang trade facilitation upang maisaayos ang mga pasilidad na malaking hamon para sa ahensiya dulot ng COVID-19 pandemic. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.