ARESTADO ang tatlong top most wanted person sa Pasay sa isinagawang magkakahiwalay na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) nitong Lunes (Enero 17).
Kinilala ni Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os ang mga naarestong suspek na sina Russel Morales y Pacay, 20-anyos, rank 16 sa top most wanted; Paul Frederick y Dumael, 20-anyos, kapwa residente ng 1089 Almazor St., Brgy. 184 Zone 19, Maricaban; at Alexander Ferrer y Roque, 18-anyos, rank 9 naman sa top most wanted, naninirahan sa 2466 Tolentino St., Barangay 129 Zone 13, Pasay City.
Ang pagkakaaresto sa tatlong most wanted persons ay naganap sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng iba’t-ibang korte sa lungsod.
Ayon kay Paday-os, unang nasakote sa isinagawang operasyon ng Warrant and Subpoena Section (WSS) si Morales na inaresto dakong ala 1:00 ng hapon sa kahabaan ng Almazor St., Pasay City dahil sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Pasay RTC Presiding Judge Rowena Nieves Tan ng Branch 119 noong Hulyo 21, 2021. Si Morales ay mayroong rekomendayong piyansa na nagkakahalaga ng P48,000.
Makaraan ang mahigit isang oras, dakong alas-2:30 ng hapon ay nagsagawang muli ng operasyon sa Tolentino Street ang mga operatiba ng WSS na ikinadakip ni Ferrer na may kasong robbery sa bisa naman ng warrant of arrest na inisyu ni Pasay RTC Presiding Judge Wilhelmina Bago Jorge-Wagan ng Branch 111 noong Disyembre 28, 2021 na may rekomendasyon sa kanyang piyansa na nagkakahalaga ng P120,000.
Muling nagsagawa ng kanilang ikatlong operasyon ang WSS dakong alas-4 ng hapon na nagresulta naman sa pagkakaaresto ni Frederick sa Apolo Street, Barangay 198 sa bisa rin ng warrant of arrest na inisyu nito lamang Enero 2, 2022 ni RTC Presiding Judge Christina Castañeda ng Branch 109 dahil sa kasong Violence Against Women and Children Act o RA 9262 kung saan inirekomenda ang piyansang P72,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan. MARIVIC FERNANDEZ