3 TULAK LAGLAG SA SHABU,GRANADA AT BARIL

RIZAL- LAGLAG ang tatlong tulak na nakumpiskahan ng droga, granada at baril sa anti-illegal drugs operation ng mga awtoridad sa Cainta sa lalawigang ito.

Base sa ulat ni Maj. Joel Costudio, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU) kay Rizal PNP Provincial Director, kinilala ang mga nadakip na sina Alex Almujela y Escalona, high value individual (HVI/Pusher); Michael Viterbo y Gamboa, pusher at Adriel Ballesteros y Andalus na pawang mga residente ng Brgy., San Andres ng nabanggit na bayan.

Nabatid na dakong alas-7:25 kamakalawa ng gabi nang nagsagawa ng buy bust operation ang grupo ni Lt. Jackson Agu­yen ng Provincial Intelligence Unit na ikinadakip ng tatlong suspek sa Dimanlig St, Felix Subd., Brgy., San Andres sa lugar.

Narekober sa mga suspek ang 12 transparent plastic sachets ng shabu na nasa 70 gramo na nagkakahalaga ng P476, 000.00, buybust money, isang cal. 38 na may 5 pirasong bala at isang hand grenade.

Nauna rito, nakatanggap ang mga awtoridad na balik tulak ng droga si alyas Alex na dati nang naaresto sa katulad na kaso kaya’t nagsagawa ng surveillance ang mga ito sa lugar bago isinagawa ang drugs operation na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong suspek.

Kasong paglabag sa Sec. 5 & 11, Article ll ng RA9165, RA1059 in relation to Comelec Gun Ban and RA9156 amending PD1866 ang kinakaharap ng mga suspek. ELMA MORALES