3 TULAK NALAMBAT SA P1.3-M SHABU

SA kulungan bumagsak ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang dalaga matapos makunanan ng higit P1.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Linggo ng hapon.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Esmeralda Pangyarihan alyas “Kikay”, 28-anyos; Rakim Batua, 18-anyos at Mohammad Umpa, 20-anyos na kapwa taga-Quiapo, Manila.

Ayon kay Mina, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Kikay kaya isinailalim siya sa isang linggong validation.

Nang positibo ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Lt Gilmar Marinas, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation dakong ala-5:30 ng hapon sa bahay ni Pangyarihan sa No. 183, General Concepcion Street, Brgy. 132, Caloocan City na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya at dalawa nitong kasabwat.

Nakumpiska sa mga suspek ang apat knot-tied plastic bags na naglalaman ng umaabot sa 202 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na P1, 373, 600.00 at buy bust money na isang tunay na P1,000 at 79 pirasong P1,000 boodle money.

Ayon kay MSg Rico Mar William Bonifacio, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA