BULACAN – TATLONG drug pusher ang napatay nang manlaban sa operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa San Jose del Monte (SJDM) City habang 17 pang drug suspect ang nadakip sa serye ng anti-illegal drugs operation kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.
Base sa report ni P/Col. Emma M.Libunao, Acting provincial director ng Bulacan PNP, nakilala ang mga suspek na sina Percival Zamora y Mengote alyas Bong, 44; Louise Lasala y Sanchez, 38, at isang alyas Bayaw na pawang nagtamo ng tama ng bala sa kanilang katawan matapos ang engkuwentro habang nadakip ang isa pang kasamahan na nakilalang si Menchie Arquisola y Seloverez, 42, habang nakatakas ang isa pa nilang kasamahan na nakilalang si Alexander Masanay.
Dakong alas-12:30 ng madaling araw kahapon nang magkasa ng buy-bust operation ang DEU operatives sa pangunguna ni P/Lt.Col.Orlando Castil Jr., City police chief, sa Block 39, Lot 6 Phase 2, Tower Villle 6, Barangay Gaya-Gaya, SJDM City ngunit nakatunog ang mga suspek na undercover agent ang katransaksiyon at nang aarestuhin sila ay bumunot ng baril at pinaputukan ang awtoridad na nauwi sa engkuwentro at mapatay ang tatlong suspek at maaresto pa ang isa.
Narekober ng Bulacan SOCO Team ang pitong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng halos sa P100,000, isang caliber 9mm shooter pistol, isang caliber 38 revolver at isang sumpak at mga bala, buy bust money at shabu paraphernalias.
Samantala, 17 pang drug suspect ang nadakip ng DEU operatives sa serye ng anti-illegal drug operation sa mga bayan ng Balagtas, Bocaue, Baliwag, Sta.Maria at San Rafael gayundin sa mga siyudad ng Meycauayan, Malolos, at SJDM City kung saan dinala ang mga naarestong suspek sa Provincial Crime Laboratory sa Malolos upang sumailalim sa drug test habang umabot sa 71 pakete ng shabu at mga buy bust money ang narekober sa nasabing drug war.
Nakumpirmang tuloy-tuloy ang drug operation ng Bulacan-PNP sa ilalim ng kautusan ni P/Col. Libunao bunga ng direktiba ni P/Brig.Gen. Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Regional Office (PRO3) na target na tuluyang tuldukan ang suliranin sa droga sa Central Luzon. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.