NASA P190,400 halaga ng shabu at isang baril ang nakumpiska sa tatlong tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) nitong Biyernes ng hapon sa Pasay City.
Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Maichang Dela Cruz Yamane a.k.a. Tomboy, 29-anyos; Maureen Flores Lacson, 35-anyos, vendor; at Gertrics Barias Demanarig, 31-anyos, pawang mga residente ng Pasay City.
Base sa report na isinumite ng DDEU kay Macaraeg, matagumpay na naisagawa ang buy-bust operation ng DDEU katuwang ang District Intelligence Division (DID), District Mobile Force Bureau (DMFB) at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City police dakong ala-1 ng hapon sa Block 25 Lot 3 Guiho Street, Barangay 145, Pasay City.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang DDEU sa ilegal na aktibidad ng mga suspek at isinailalim sa surveillance operation ang mga ito at nang magpositibo ang kanilang impormasyon ay agad nilang ikinasa ang buy-bust operation na nagdulot ng pagkakaaresto ng mga suspek.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang 28 gramo ng shabu, isang kalibre .22 pistola na kargado ng 7 bala, coin purse, sling bag at ang P500 buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang kinumpiskang ilegal na droga ay gagamiting ebidensiya laban sa mga suspek ay itinurn-over sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis habang ang narekober na baril naman ay isasailalim sa ballistics examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II ng RA 9165 at RA 10591 ang inihahanda laban sa mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa SPD custodial facility. MARIVIC
FERNANDEZ