3 WARDS SA PCGH NASA FULL CAPACITY

INIHAYAG ng Pasay City General Hospital (PCGH) na nananatili pa ring nasa full capacity ang tatlo sa kanilang medical wards nitong Biyernes.

Ayon sa Pasay Public Information Office (PIO), ang tatlong wards na nananatiling nag-uumapaw sa pasyente ay ang OB-Gyne, medical ward pati na rin ang COVID-19 ward.

Nag-abiso ang tagapamahala ng PCGH na ang mga nakatakdang i-admit na pasyente sa ospital ay pinapayuhan na ilipat na lamang sa ibang pagamutan o health facilities para sa nararapat at mabilis na gamutan.

Matatandaang nito lamang Lunes ay naghayag ang PCGH na anim sa kanilang medical wards ay nasa full capacity na hindi pa kasama dito ang 21 pasyente na inilagay sa waiting list para sa kanilang admisyon sa ospital.

Bukod pa sa mga nasa listahan ng waiting ay nag-uumapaw din sa pasyente ang emergency room ng PCGH na naghihintay na sila ay matingnan ng mga doctor at magamot gayundin ang mga pasyente na nakapending ng kanilang pag-confine sa ospital.

Sa kasalukuyan, inihayag din ng PCGH na ang listahan ng kanilang waiting list ay bumaba naman sa 13 pasyente. MARIVIC FERNANDEZ