SUSUNDIN ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act 11709 o ang batas na nagtatakda ng tatlong taong panahon ng pagseserbisyo para sa ilang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles, na dahil isa na itong batas, walang dahilan para hindi ito sundin ng Pangulo.
Kaya naman mananatili pa sa puwesto hanggang 2024 si AFP chief of staff Gen. Andres Centino.
Si Centino ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong November 12, 2021 at nakatakda sana itong magdiwang ng ika 59 na kaarawan sa Pebrero 4, 2023, pero dahil sa bagong batas, tatapusin nito ang tatlong taong serbisyo hanggang Nobyembre 4, 2024.
Alinsunod sa batas, bubuno ng tatlong taon ang chief of staff, vice chief of staff, depury chief of staff, commanding generals ng Philippine Army, Navy at Airforce , inspector general at chief of unified command.
Sa ngayon, sinabi ni Angeles na wala pang listahan ang Pangulo kung sino ang posibleng pumalit kay Centino kapag natapos ang termino nito dahil masyado pang maaga para rito. Beth C