30-ARAW NA PALUGIT SA UTILITY BILLS PAYMENT SA ECQ, MECQ AREAS

UTILITY BILLS

BINIBIGYAN ng 30-araw na palugit ang pagbabayad ng utility bills sa inaprubahang ‘Bayanihan to Recover as One Act’ o Bayanihan 2.

Sa ipinanukalang probisyon ni Senador Win Gatchalian sa Bayanihan 2, may 30 araw na moratorium sa pagbabayad ng utility bills, tulad ng koryente at tubig, ang mga nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa ngayon, ang Iligan City, Bacolod City, at Lanao del Sur ang mga probinsyang idineklarang naka-MECQ hanggang katapusan ng Setyembre.

Ayon sa senador, hindi rin muna pababayaran ang interes sa bill, penalties, at iba pang dagdag singilin o charges sa loob ng 30 araw habang naka-ECQ o MECQ ang isang lugar.

Ani Gatchalian, pagkatapos ng 30-day grace period ay pinahihintulutan din ng Bayanihan2 ang residential users, ­micro, small and medium enterprises o MSMEs, at mga kooperatiba, na magbayad ng pautay-utay sa loob ng tatlong buwan.

Matatandaang nanguna si Gatchalian sa pagkalampag sa  Energy Regulatory Commission (ERC) para sabihan ang distribution utilities (DUs) na pumayag sa deferred payment noong kasagsagan ng ECQ sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

“Malaking bagay ang ‘Bayanihan 2’ lalo na doon sa mga Filipinong nawalan ng hanapbuhay o nabawasan ang kita dahil sa pinaigting na quarantine protocols ng gobyerno,” ayon sa senador.

“Para sa mga arawan ang kita, mababawasan ang kanilang mga alalahanin sa kanilang mga buwanang gastusin at makatutulong ito sa unti-unting pagbangon sa hamon na kinakaharap,” dagdag pa niya.

Pinirmahan ni Pangulong Duterte nitong Biyernes ng gabi ang Bayanihan 2. Ito ay magiging epektibo hanggang ika-19 ng Disyembre ngayong taon, bago mag-Christmas break ang ­Kongreso. VICKY CERVALES

Comments are closed.