HINDI bababa sa 30 bahay ang naabo matapos sumiklab ang sunog sa 1st Camarilla st. sa bahagi ng 18th ave. Brgy. San Roque sa Quezon City nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection – National Capital Region o BFP-NCR, sumiklab ang naturang sunog dakong alas-5:10 ng umaga at umakyat pa ito sa ikalawang alarma.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay na tinatayang aabot sa 50 pamilya ang apektado na agad nagsilikas at inaasahang manunuluyan sa pinakamalapit na mga paaralan.
Idineklarang fire under control ang sunog dakong ala-6:37 ng umaga.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa pinagmulan ng apoy at kung magkano ang iniwang pinsala ng sunog. P ANTOLIN