30 HIV/AIDS PATIENTS PATAY

HIV-AIDS

UMAABOT sa 30 pas­yente ng HIV/AIDS infection ang naitala ng Department of Health (DOH) na nasawi sa bansa noong Hulyo 2018 lamang.

Sa inilabas na July 2018 HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP), ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), lumilitaw na kasama ito sa 859 bagong kaso ng HIV/AIDS infection na naitala nila sa bansa sa naturang buwan lamang.

Batay sa datos ng HARP, lumilitaw na sa bilang ng mga nasawi ay 28 ang lalaki at dalawa naman ang babae.

Isa sa HIV deaths ay wala pang 15-anyos ang edad nang mamatay dahil sa sakit, tatlo naman ang nasa 15-24 taong gulang, 15 ang nasa 25-34 years old, siyam ang nasa 35-49 years old lamang, at dalawa ang nasa 50-taong gulang pataas na.

Dahil sa naturang bagong bilang ng mga nasawi, umaabot na sa 2,735 pasyente ng HIV/AIDS ang naitatalang nasawi ng DOH, simula noong Ene­ro 1984 hanggang Hulyo 2018.

Ayon pa sa DOH, sa kabuuang 859 newly-diagnosed cases, ay 193 ang nasa advanced infections na, 801 ang mga lalaki at 58 naman ang mga babae.

Dalawa sa mga bagong pasyente ay mga batang nasa 15-taong gulang pababa lamang; 240 naman ang nasa 15-24 age group; 430 ang nasa 24-34 age group; 164 ang nasa 35-40 age group at 23 ang nasa 50-taong gulang pataas na.

Pito sa mga bagong biktima ay kasalukuyang buntis nang matuklasang may sakit sila, kabilang ang apat na taga-National Capital Region (NCR), at tig-isa naman mula sa Regions 1, 7 at 11.

Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit sa NCR, na umabot sa 1/3 ng kabuuang bagong kaso (31% o 264 kaso), sumunod ang Region 4A (17%, 146 kaso), Region 3 (9%, 75 kaso), Region 6 (7%, 62 kaso), Region 7 (7%, 59 kaso) at Region 11 (7%, 58 kaso).

Nananatili namang ang pakikipagtalik ang predominant mode ng transmission ng sakit na pumalo sa 98% o 841 kaso, kabilang dito ang mga lalaking nakikipagtalik sa kanilang kapwa lalaki (82%); sumunod ang needle sharing among injecting drug users (1% o 10 kaso), mother –to-child transmission (<1%, 1), habang walang data kung paano nahawa ang pito pang natitirang kaso.

May mga overseas Filipino workers (OFWs) pa rin na nagkasakit ng HIV/AIDS infection na umabot sa 72 o 8% ng newly diagnosed cases sa buwan ng Hulyo. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.