30 MAGSASAKA SA ALBAY HANDA NANG MAGING NEGOSYANTE

LEGAZPI CITY – Tatlumpung agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa bayan ng Polangui, Albay, ang nakatakdang maging “negosyanteng magsasaka” makaraan silang magtapos sa Farm Business School (FBS) ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang 30 ARBs na matagumpay na nakapagtapos ng 25 sesyon ng programa ng FBS, na nagsimula noong Mayo ng taong ito, ay mga miyembro ng Gamot, Luya, Dalogo Farmers Association (GALUDA FA).

Layunin ng FBS na gawing mga negosyante ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaalaman at kasanayan sa pagpapatakbo ng mga matagumpay na negosyong pang-agrikultura.

Pinuri ni Maria Eugenia M. Alteza, Provincial Agrarian Reform Program Officer ng DAR Albay, ang mga nagtapos dahil sa kanilang tiyaga at pagsusumikap sa buong kurso.

“Ipinagmamalaki ko ang inyong mga nagawa. Hinihikayat ko kayong ipagpatuloy ang inyong pagmamahal sa pagsasaka, pangalagaan ang inyong lupa, at patuloy na pagyamanin ito. Nandito ang DAR upang tulungan kayo sa anumang hamon na inyong kahaharapin,” ani Alteza sa lokal na wika.

Ipinaliwanag din ni Alteza ang kahalagahan ng FBS sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng DAR, Local Government Units (LGUs), at Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs). Pangunahing layunin ng programa ang paghubog sa mga ARB upang maging negosyanteng magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang mga kasanayan sa pamamahala ng kanilang sakahan bilang matagumpay na mga negosyo.

“Nakahanda kaming suportahan ang ating mga magsasaka, hindi lang sa produksyon ng pananim kundi pati na rin sa paglago ng kanilang mga negosyo,” dagdag pa ni Alteza. “Sa pamamagitan ng FBS, layunin naming makita silang umunlad bilang mga negosyante.”

Ang FBS ay nagbibigay ng komprehensibong pagsasanay sa pagnenegosyo at pamamahala ng negosyo sa bukid, na nakaayon sa adhikain nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DAR Secretary Conrado M. Estrella III na mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa buong bansa.

Ipinahayag naman ni Bob B. Razon, pangulo ng GALUDA FA, ang kanyang pasasalamat sa programa at binanggit ang malaking pagbabagong idinulot nito sa kanilang pananaw sa pagsasaka.

“Napakalaking pasasalamat namin sa DAR sa kanilang walang sawang suporta. Ipinakita sa amin ng FBS na ang pagsasaka ay hindi lamang kabuhayan kundi isang oportunidad sa negosyo. Sa tamang kaalaman at kasanayan, naniniwala kaming maaari kaming magtagumpay,” ani Razon.

Ang GALUDA FA ay opisyal na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) noong Agosto 2024, isang hakbang na naglalapit sa kanila sa pagiging isang kooperatiba. Ang kanilang mga produkto ay kinabibilangan ng palay, kape, asukal na muscovado, kalamay, coco jam, at pili.