30-MINUTE ‘HEAT STROKE BREAK’ SA TRAFFIC ENFORCERS AT STREET SWEEPERS

TRAFFIC ENFORCERS

MAGBIBIGAY ng karagdagang tatlumpung minutong break na tatawaging “heat stroke break” ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) araw-araw  sa lahat ng traffic enforcers at street sweepers ng ahensiya upang makapahinga mula sa matinding init ang kanilang mga tauhan ngayong summer.

Nilagdaan kahapon ni MMDA Chairman Danilo Lim ang isang memorandum na muling nagpapatupad sa “heat stroke break policy” para sa mga on-duty traffic enforcers at street sweepers upang maiwasan ang mga posibleng epekto ng matinding init gaya ng heat exhaustion, heat stroke, at heat cramps.

Sa pahayag ni Lim na ang naturang polisiya ay magiging epektibo hanggang Mayo 31.

Ayon kay Lim, sa mga traffic enforcer na naka-duty ng alas-5:00 ng umaga  hanggang ala-1:00 ng hapon, ang kanilang “heat stroke break” ay mula alas-10:00 ng umaga  hanggang alas-10:30 ng umaga  o  alas-10:30 ng umaga  hanggang alas-11:00 ng umaga.

Ang mga naka-duty naman ng ala-1:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi ay maaaring mag-break ng alas-2:30 ng hapon  hanggang alas-3:00 ng hapon o kaya ay alas-3:00 ng hapon hanggang alas-3:30 ng hapon  at ang mga naka-duty ng alas-2:00 ng hapon  hanggang alas-10:00 ng gabi  ay may “heat stroke break” mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-3:30 hapon  o  kaya alas-3:30 ng hapon  hanggang alas-4:00 ng hapon.

Sa mga street sweeper naman na naka-duty ng 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon, ang “heat stroke break” nila ay mula alas-11:00 ng umaga  hanggang alas-11:30 ng umaga  o alas-11:30 ng umaga  hanggang alas-12:00 ng tanghali; para sa mga  naka-duty ng alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon ay maaaring mag-break ng alas-12:00 ng tanghali hanggang ala-1:00 ng hapon  habang ang mga naka-duty naman ng alas-11:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi ay maaaring mag-break ng alas-2:30 ng hapon hanggang alas-3:00 ng hapon o alas-3:00  ng hapon hanggang  3:30 ng hapon.

Ayon pa rin kay Lim na sa ilalim ng polisiya  ay maaaring umalis ng kanilang pwesto at mag-break ang mga naka-duty na field personnel para makapagpahinga.

“Palitan at hindi sabay-sabay ang gagawing ‘heat stroke break’ ng ating mga field personnel para mapa­natili ang visibility ng mga traffic enforcer at street sweeper at para na rin matiyak na hindi maaapektuhan ang field operations,” paliwanag ni Lim.

Dagdag pa ni Lim na may karagdagan ding 15-minutong break time para sa mga MMDA field personnel sakaling umabot sa 40 degrees Celsius o mas mataas pa ang heat index sa Metro Manila.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.