30% NG ‘BBB’ PROJECTS TAPOS NA – DOTr

Transportation Secretary Arthur Tugade

NASA 30% ng infrastructure projects sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program ang nagawa na ng Department of Transportation (DOTr) sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte, ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade.

“Ngayon siguro tumatakbo ako ng mga 30-35% pero siyempre, mayroon tayong panahong magtapos,” pahayag ni Tugade sa sidelines ng pagbubukas ng Segment 3A1 ng C5 South Link Expressway project sa Parañaque City.

“Isipin ninyo na ‘yung unang kataunan hindi naman puro konstruksiyon kaagad ‘yan, eh… mayroong planning, feasibility [study], detailed engineering design, may mga approvals sa NEDA, which will take time,” paliwanag pa niya.

Nauna rito ay pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Tugade at Public Works Secretary Mark Villar sa kanilang kasipagan sa pagpapatupad ng ‘Build Build Build’ program.

“Hard at work in the interconnection of our islands and cities by air, land, and sea are Secretaries Tugade and Villar,” wika ni Duterte sa kanyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.

Sa kanilang accomplishment report, iniulat ng DOTr na natapos na nila ang 61 airport projects, sinimulan na ang konstruksiyon ng apat na railway projects, itinayo at sinimulan ang operasyon ng isang landport, at natapos ang 218 commercial at social tourism projects.

Kabilang sa mga natapos na airport projects ay ang Bohol-Panglao International Airport at Mactan-Cebu International Airport.

Bukod dito ay sinimulan na rin ng DOTr ang konstruksiyon ng PNR Clark Phase 1, LRT-1 Cavite Extension, Metro Manila Subway, MRT-7, at LRT-2 East Extension.

Comments are closed.