30% NG PUBLIKO NAGDUDUDA SA COVID VACCINE

Eric Domingo

KINUMPIRMA ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na nasa 30% ng publiko ang hanggang sa ngayon ay nagdadalawang-isip pa rin na tumanggap ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sakaling maging available na ito sa bansa sa susunod na taon.

Ayon kay Domingo, dahil dito ay dapat munang tiyakin ng pamahalaan ang bisa at kaligtasan ng bakuna upang mapawi ang pangamba ng mga mamamayan.

Aniya, dapat din ipaliwanag sa mga ito ang kahalagahan ng pagbabakuna.

“Mukhang meron pa rin po talaga. Meron tayong tinatawag na vaccine hesitancy as many as parang 30% of the public, e medyo hindi pa sila sigurado kung gusto nilang magpabakuna,” ayon kay Domingo, sa panayam sa telebisyon.

“Kailangan po nating ipakita sa kanila at ipadama sa kanila ‘yung safety tsaka ‘yung efficacy data ng mga vaccines tsaka yung kahalagahan ho ng pagbabakuna,” aniya pa.

Nanindigan din si Domingo na upang tuluyang masugpo ang COVID-19 ay dapat na mabigyan ng bakuna laban dito ang buong populasyon.

Gayunman, dapat aniyang boluntaryo ang pagpapabakuna at ang mga tatangging mabigyan nito ay walang magiging pananagutan.

“Ang pagpapabakuna ay completely voluntary at tsaka talaga kailangan po may informed consent. Hindi po puwedeng pilitin ang taong magpabakuna kung ayaw po niya,” paliwanag pa ng FDA chief.

Nabatid na ang Filipinas ay tinatayang mayroong 110 milyong populasyon at target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 60 hanggang 70 milyong katao sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Ayon naman sa mga eksperto ng World Health Organization (WHO), kung mababakunahan ang may 65% hanggang 70% ng populasyon ay maaabot na ang tinatawag na ‘herd immunity’ o ‘population immunity’ na isang konsepto na ginagamit para sa pagbabakuna kung saan ang populasyon ay maaaring maprotektahan mula sa isang uri ng virus kung maaabot ang itinakdang threshold para rito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.