UMAKYAT na sa 30 ang inulat na death toll bunsod ng ilang araw na pananalasa ng Bagyong Egay sa bansa.
Batay ito sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na inilabas kahapon.
Subalit sa nasabing bilang, 4 ang kumpirmadong nasawi sa bagyo habang 26 ang isinailalim pa sa validation o beripikasyon ng mga awtoridad.
Habang may 171 ang naiulat na nasaktan at 10 naman ang nawawala.
Samantala, nasa kabuuang 233 siyudad at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity bunsod pa rin nang pananalasa ng Bagyong Egay at mga pag-ulan at baha na dulot ng southwest monsoon o habagat.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga lugar na nasa state of calamity ay ilang mga siyudad at lalawigan sa Region 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA at CAR.
Ang mga lugar na ito ay matinding hinagupit nang nagdaang bagyo at habagat.
Sa pinakahuling datos pumalo na sa 806,836 na pamilya o katumbas ng mahigit 3M indibidwal ang apektado mula sa 14 rehiyon sa bansa.
VERLIN RUIZ