30 PATAY SA AIDS

AIDS

INIULAT ng Department of Health (DOH) na 30 pasyente ng HIV/AIDS ang naitala nilang nasawi noong Mayo 2018.

Batay sa ulat ng HIV/AIDS Registry of the Philippines (HARP) ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang nasabing bilang ng mga nasawi ay kabilang sa may 950 bagong HIV cases na kanilang naitala sa bansa sa nasabi ring buwan.

Nabatid na mas mababa naman ang bilang ng mga bagong kaso ng sakit kompara sa 1,098 kaso na naitala nila noong Mayo 2017.

Ayon sa DOH, nananatiling sexual contact o pakikipagtalik pa rin ang nangungunang dahilan para mahawa ng sakit ang may 914 bagong pasyente ng HIV-AIDS.

Habang ang iba pang pasyente ay dinapuan ng virus dahil sa paggamit ng iisang karayom sa pagtuturok ng ilegal na droga, at mayroon ding nahawa ng sakit habang nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang ina.

Lima rin sa mga pasyente ay buntis nang matuklasang dinapuan sila ng nakahahawang sakit, kabilang dito ang tatlo  mula sa Region 7 (Central Visayas),  habang ang dalawang iba pa ay mula naman sa National Capital Region (NCR) at Region 4A (Calabarzon).

Pinakamarami namang naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (294 cases o 31 percent), Calabarzon region (163 cases  o 17 percent), Central Visayas (94 cases o 10 percent), Central Luzon (86 cases o 9 percent), at Western Visayas (61 cases o six percent). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.