CAMP CRAME – MAHIGIT 30 mga pulis ang bumagsak sa Physical Fitness test at Body Mass Index (BMI) evaluation na isinagawa sa kampong ito sa Quezon City.
Kabuuang 86 na mga pulis ang sumailalim sa test at 32 sa mga ito ay overweight at lima rito ang obese, habang 49 naman ang normal ang timbang.
Agad silang hinarap ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa at pinaalalahanan na responsibilidad ng bawat pulis na pangalagaan ang kanilang sariling kalusugan.
Aniya, alam niya na mahirap panatilihing tama ang timbang lalo na kapag nagkakaedad ngunit dapat umano itong magsilbing hamon dahil ‘pyhsically demanding’ ang trabaho ng mga pulis.
Ang mga bumagsak sa BMI test ay patuloy na imo-monitor at ngayon ay naka-enrol sa Public Safety Officers Basic Course Class of 2020.
Dito ay bibigyan sila ng pagkakataon para maitama ang timbang.
Una nang sinabi ni Gamboa na may “sanctions” para sa mga pulis ang hindi maka-comply sa tamang BMI.
Ang mga pulis na hindi maka-comply sa standard body mass index ay hindi papayagan na makapag-schooling, na requirement para sa promosyon.
Sinabi ni Gamboa ipinatutupad niya ito hindi lamang para sa imahe ng PNP kundi para na rin sa kalusugan ng mga pulis.
REA SARRMIENTO