TINATAYANG nasa 30 katao ang sugatan at nasa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang nasa 300 kabahayan kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Ayon sa report ng Makati City police nagsimula ang sunog dakong 1:08 kahapon ng madaling araw mula sa ikatlong palapag ng Tucio Apartment, na matatagpuan sa #4050 Laperal Compound, Brgy. Guadalupe Viejo ng naturang lungsod.
Sa pahayag ni Sr. Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, nakapagtala sila ng 10 sugatan sa naturang sunog at mabilis na isinugod sa iba’t ibang opstial upang agarang mabigyan ng lunas ang mga biktima.
Ayon pa kay Simon ay inaalam pa nila ang panglan ng 10 sugatang biktima sa sunog.
Sa pahayag ni Simon nakatanggap ng report ang tanggapan ng Police Community Precinct (PCP) 6 hinggil sa sunog na nagaganap sa nabanggit na lugar.
Mabilis naman na nagresponde ang mga pulis subalit malakas ang apoy sa gitna ng Laperal Compound na tinutupok ang maraming kabahayan.
Kaagad naman na tumawag ang Makati City police sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamumuno ni Fire Senior Inspector Algie Mullianida upang apulain ang napakalakas na apoy.
Sa pahayag naman ng BFP sila ay nakapagtala naman ng karadagdagang 20 sugatan sa naturang sunog.
Ayon naman kay District 3 fire marshall Supt. Jerry Berte, dakong 4:20 ng umaga nang ideklara nilang fire-out ang insidente.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng arson investigator ng Makati City BFP ang sanhi ng sunog at kung magkanong halaga ng mga ari-arian ang napinsala. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.