(30 top officials ni-reshuffle) MAJOR REVAMP SA PNP

MARAMING opisyal na ang umaasang magkakaroon ng rigodon sa loob ng hirarkiya ng Philippine National Police matapos na opisyal na manungkulan bilang bagong talagang PNP chief si Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief Police BGen. Roderick Augustus Alba na magkakaroon ng galawan sa mga top key position ng pambansang pulisya.

Sinasabing base sa inilabas na order ng PNP Personnel Records and Management nasa 30 matataas na opisyal ang napasama sa reshuffle kasama ang mga miyembro ng command group.

Ang number 2 man na si PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia ay inilipat bilang commander ng Area Police Command – Visayas.

Papalit sa kanya si Lt. Gen. Chiquito Malayo na Chief of Directorial Staff.

Habang si PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ay inilipat bilang commander ng Area Police Command – Western Mindanao.

Papalit naman sa kanya si Maj. Gen Benjamin Dumlao Santos na director ng Directorate for Comptrollership.

Samantala, papalit naman kay Malayo sa chief Directorial Staff si Maj. Gen Arthur Bisnar na nanggaling sa Directorate for Human Resource and Development.

Itinalaga naman si Brig. Gen Jonnel Estomo na acting Regional Director ng NCRPO habang si Maj. Gen Felipe Natividad ay inilipat na acting commander ng Area Police Command ng Northern Luzon.

Maging si BGen Antonio Candido Yarra ng PRO CALABARZON ay inilipat sa DI habang ipinalit naman si BGen Jose Melencio Corpuz Nartatez Jr. bilang Regional Director ng CALABARZON.

Inalis naman sa NCRPO sina BGen Jerry Fornaleza Bearis na itinalaga sa PRO 3 habang si BGen Nicolas Deloso Torre III ay sa PNPA at si BGen Jack Limpayos Wanky ay itinalaga sa NCRPO mula sa PNPA samantala sina Col Jaysen Carpio De Guzman at Col Kirby John Brion Kraft ay inilipat din sa NCRPO mula sa dating HSS at SAF.

Itinalaga rin sa NCRPO ay sina BGen Andre Perez Dizon; Col Wilson Casil Asuelta at si Col Ponce Rogelio Ibasco habang sina BGen Leo Manaog Francisco at BGen Remus Balingasa Medina na kapwa nasa NCRPO ay inilipat sa PRO 6 at PHAU, DPRM.

Nilinaw ni Alba na ang isinasagawang rigodon sa hanay ng mataas na opisyal ng pulisya ay bahagi ng career growth at opportunities ng mga nasabing opisyal.

Magsisilbi rin umano itong daan sa pagpapalakas sa buong hanay ng Pambansang pulisya gayundin sa kanilang strategic offices and units.

Sinasabing mahahasa rin ang operational at administrative function ng PNP sa kampanya nito laban sa kriminalidad, pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga opisyal na mas may kakayahan base sa kanilang karanasan na pamunuan ang isang unit. VERLIN RUIZ/REA SARMIENTO/ MHAR BASCO