300 BAHAY NAABO, 603 PAMILYA APEKTADO

sunog

CEBU- MAHIGIT 600 pamilya ang nawalan ng tahanan nang masunog ang halos 300 bahay sa Block 3, Sto. Niño, Brgy. Suba, Cebu City noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection- Cebu City, nagsimula ang sunog sa 2nd floor ng bahay ng isang Jerry Cabido pasado alas-7:00 ng gabi.

Tumagal ng mahigit dalawang oras ang sunog bago tuluyang naapula.

Nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil nasa loobang bahagi ng barangay ang sunog.

Maliit din ang daanan kaya kinailangan pang pagdugtong-dugtungin ng mga bombero ang kanilang hose para umabot sa mga nasusunog na bahay.

Sinasabing may nadinig umanong pagsabog ang ilang residente at sinundan ito ng usok na umano’y nagmumula sa bahay ni Cabido.

Umabot sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog at tinatayang aabot sa P1.5 million ang halaga ng pinsala.

Pansamantalang nagpalipas ng magdamag sa Sports Complex ng Brgy. Pasil at Suba ang mga residenteng nasunugan.VERLIN RUIZ

Comments are closed.