300 BRGYs SA QUEZON SENTRO NG BENTAHAN NG DROGA

QUEZON- SA kabila ng pinaigting na kampanya ng Quezon PNP laban sa pagsugpo sa illegal na droga, tinukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mahigit sa 300 barangays sa lalawigang ito ang patuloy na sentro ng bentahan ng iba’t ibang klase ng illegal drugs.

Sa isang joint meeting nitong Sabado sa pagitan ng PDEA, provincial development council (PDC) at provincial anti-drug abuse council ( PDAC) ng Quezon, tinukoy ng naturang ahensiya na kabilang sa hotspot na lugar kung saan unlimited ang kalakaran ng droga sa ang mga bayan ng Tiaong at Candelaria gayundin ang lungsod ng Lucena.

Ibinulgar pa ng PDEA na nanggagaling umano ang bulto ng droga sa Muntinlupa, Taguig, Paranaque, Las Pinas at Quezon city.

Partikular na tinukoy ng ahensiya na sa lungsod ng Lucena ang critical drug area umano ang mga barangay ng Ibabang Dupay, Market View, Cotta, Ibabang Iyam at Gulang- Gulang.

Sa bayan naman ng Candelaria, mainit ang bentahan ng shabu sa Malabanban Norte at Malabanban Sur , habang sa bayan ng Tiaong ay sa mga barangay ng Lusacan, Talisay at Lalig bumabagsak ang dami ng iligal na droga.

Sa kabila ng bilang ng mga barangay na patuloy ang bentahan ng iligal na droga, sinabi naman ng PDEA na sa 1,242 barangays ay 747 dito ang drug cleared at 172 ay drug free. ARMAN CAMBE