TINATAYANG aabot sa 300 foreign nationals na karamihan ay pawang mga Chinese na stranded sa Ninoy Aquino International Airport at iba pang airports sa bansa ang naghihintay ng abiso kaugnay sa kanilang repatriation sa kanilang bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na kasalukuyan ang koordinasyon ng ahensiya sa Embassy ng China upang sunduin na lamang ang kanilang mga kababayan makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa pagpasok sa bansa ng mga galing ng China upang maiwasan ang pagpasok ng nabanggit na novel coronavirus (nCoV).
“That’s true. There are around 300 Chinese nationals who are stranded in NAIA because most of the airlines have cancelled their flights already to and from the different parts of China. But our office is coordinating with the Chinese embassy, and they have pledged to send an aircraft to fetch their citizens who are stranded in the country,” ani Sandoval.
Ayon kay Sandoval, maging ang iba pang foreign nationals na dumating sa bansa noong Linggo na bumiyahe ng China, Hongkong at Macau sa nakaraang 14 na araw ay pinabalik na rin sa kanilang port of origin.
Nabigo naman si Sandoval na magbigay ng detalye ng tinatayang bilang ng iba pang mga hindi pinapasok sa bansa na pawang travellers din.
Sa kautusang pinalabas ni Pangulong Duterte, Filipino citizens at may mga hawak ng permanent resident visa ang pinapayagang makapasok sa bansa, subalit, may mahigpit na tagubilin na sumailalim sa14-day quarantine upang matiyak na hindi sila nCoV carriers.
Maging ang mga local carrier na Cebu Pacific at Philippine Airlines ay nagkansela na rin ng kanilang mga biyaheng patungong China, Hong Kong at Macau bilang pagtugon sa kautusan ng Pangulo.
Ang nCoV ay sinasabing nagmula sa Wuhan City, na siyang capital ng Hubei province sa China.
Batay sa datos ng World Health Organization, umaabot na sa 17,000 kaso ng nCoV na karamihan ay mula sa China.
Umabot na rin sa 362 katao na pawang nasa China ang namatay sa nabanggit na virus maliban sa isang mula sa Filipinas na isa ring Chinese national na nanggaling sa Wuhan. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.