MAHIGIT 300 katao ang mga pasyente ng tigdas, kabilang ang apat na patay, na naitala ng Department of Health (DOH) sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), sa loob lamang ng 24-oras.
Sa inilabas na quick count ng DOH-Calabarzon, na pinamumunuan ni Regional Director Eduardo Janairo, nabatid na mula lamang alas-8:00 ng umaga ng Pebrero 21 hanggang alas-8:00 ng Pebrero 22, ay umaabot sa 313 pasyente ang naitala nilang tinamaan ng tigdas sa rehiyon.
Sanhi nito, umabot na sa 3,077 ang pasyente ng sakit doon, mula sa dating 2,764 na naitala mula Enero 1.
Samantala, dumami rin ang bilang ng mga nasawi sa sakit, na mula sa 69 na naitala dakong alas-8:00 ng umaga ng Pebrero 21 ay naging 73 na hanggang alas-8:00 ng umaga ng Pebrero 22 o may case fatality ratio (CFR) na 2.4%.
Anang DOH, pinakamarami pa ring naitalang kaso sa lalawigan ng Rizal na may 1,586 kaso at 51 patay; sumunod ang Cavite na may 437 kaso at walong patay; Laguna na may 427 kaso na may pitong patay; Batangas na may 329 kaso at tatlong patay at Que-zon na may 298 kaso na may apat na patay.
Tiniyak naman ni Janairo na ginagawa nila ang lahat upang makontrol ang pagkalat ng sakit sa lalawigan at puspusan na rin aniya ang ginagawa nilang pagbabakuna sa mga paslit sa rehiyon upang mapro-teksiyunan ang mga ito laban sa naturang karamdaman.
Muli rin siyang nanawagan sa mga magulang na huwag nang magdalawang-isip na pabakunahan ang kanilang mga anak upang hindi na dapuan pa ng tigdas.
Kumpiyansa naman si Janairo na sa mga susunod na buwan ay unti-unti nang mababawasan ang mga tinatamaan ng tigdas at tuluyan na nilang makokontrol ang pagkalat nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.