BUKIDNON – TINATAYANG aabot sa 300 miyembro ng Seventh Day Adventist na karamiha’y kabataan ang naospital dahil sa hinihinalang kaso ng food poisoning.
Sa ulat na nakarating sa PNP at DOH, kasama ang mga biktima sa National Youth Convention ng Seventh Day Adventist nang biglang sumama ang kanilang pakiramdam, nahihilo at mga nagsusuka at pagtatae.
Ayon kay Dr. Henry Legaspi, chief ng Bukidnon Provincial Medical Center, nagpadala sila ng sample ng rectal swabs ng mga pasyente sa research institute for tropical medicine upang matukoy ang sanhi ng food poisoning.
Nabatid kasi na magkalapit lang ang banyo at kusina kung saan niluluto ang pagkain ng mga biktima.
Nang pumutok ang ulat hinggil sa maramihang pagkakalason ay agad na kumilos ang DOH sa koordinasyon ng Local Government Unit (LGU), Philippine Army, PNP, Local Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa problema.
Kasama ang mga pulis, sundalo at ilang opisyal ng Local DOH ay nag-inspeksiyon ang mga awtoridad sa pinag darausan ng convention at nakita na maraming langaw na galing sa dalawang poso-negro sa compound.
Dalawang posibilidad ang tinitingnan ngayon ng DOH na dahilan ng nangyaring food poisoning sa bayan ng Impasugong.
Ayon kay Dr. David Mendoza, Assistant Regional Director ng DOH-10 posibleng nalason ang mga biktima sa pagkain o sa tubig na kanilang in-inom dahil sa bukal lamang umano kumukuha ng inuming tubig.
Nilinaw naman ni Dr. Mendoza na aabot lang sa 233 ang validated cases ng food poisoning mula sa napaunang ulat na 600.
Nakalabas naman na ng ospital ang ilan sa mga biktima. VERLIN RUIZ
Comments are closed.