(PANGKABUHAYAN TIPS / ni NENET L. VILLAFANIA)
MALAKING problema ang kinahaharap ni Minnie dahil nawalan ng trabaho ang kanyang asawa at may mga utang pa sila sa Bumbay. Tatlong daang piso na lamang ang natitira sa kanyang bulsa. Sa halagang nasabi, kulang pa ito para sa maghapong pagkain kinabukasan ng kanyang tatlong anak. Buti na lamang at Sabado kinabukasan kaya wala siyang poproblemahin sa baon sa eskuwela, na eksaktong P300 din para sa dalawang high school at isang college. Nasa ganoon siyang posisyon nang magsalita ang bunso niyang anak. “Ma, mag-tsamporado ka bukas ng umaga, ‘yung may gatas.”
Biglang nagliwanag ang kanyang utak. Magluluto siya ng tsamporado at ibebenta niya ang iba sa tapat ng kanilang bahay. Agad siyang bumili ng kalahating kilo ng malagkit sa palengke (P30), cocoa (P15), asukal (P20) at gatas na ebaporada (P34). Kinabukasan, inayos niya ang maliit na mesa sa tapat ng kanilang gate.
Parang kinakasihan ng pagkakataon, nakakain ng almusal ang buong pamilya at naubos ng kapitbahay ang kanyang paninda, at ang puhunang P99 ay naging P150. Sa madaling sabi, kumita siya ng P51 sa panindang almusal. Naging P351 ang nasa kanyang lukbutan. Ngunit problema na naman. Paano ang tanghalian at hapunan? Isang kilong bigas ang kayang ubusin ng kanyang pamilya sa isang araw bukod pa sa ulam.
Dala ang kakaunting pera, muling pumunta si Minnie sa palengke. Kailangang magkasya ang dala niyang pera. Kung puwede nga, may matira pa sana.
Una niyang binili ang bigas (P45) para makasigurong may kakainin kahit na walang ulam. Nakakita siya ng maliliit na isda kaya bumili siya ng kala-hating kilo (P60) at kamyas na tuyong pansahog (P5) para sa pinangat. Bumili rin siya ng gulay pangpakbet na may kasama nang alamang (P20) at isang pirasong tokwa. Para naman sa hapunan, bumili siya ng chopsuey mix (P20) at squid balls (P34). Kung may badyet lang sana, puwede rin siyang bumili ng atay ng manok, ngunit wala na kaya puwede na ang squid balls na lang.
Para naman sa almusal kinabukasan, magluluto siya ng pancake kaya bumili siya ng ¼ kilo ng harina (P15), margarine (P10) at asukal (P20). Tulad kaninang umaga, ibebenta niya sa harapan ng bahay ang ilang bahagi ng ulam na kanyang lulutuin. Baka sakali raw na maibalik man lamang ang kanyang gastos upang may ipambili uli siya ng ulam kinabukasan.
Sa madaling sabi, ang puhunang P199 ay nadoble kinagabihan bukod pa sa nakakain ng maayos ang buong pamilya, at may paninda pa siyang pancake kinabukasan.
Sa paulit-ulit na pagtitinda mula umaga hanggang hapon, bago sumapit ang Lunes ay naresolba niya ang problemang P300 na baon ng mga bata at ang badyet sa pagkain para sa pamilya.
Sa ngayon, bagama’t hindi pa rin masasabing malaki na ang kanyang tindahan ng ulam ay nadaragdagan na ang ulam sa kanyang display, bukod pa sa may isang mesa na siyang nakahanda para sa gustong kumain. Dito na rin niya kinukuha ngayon ang baon ng kanyang mga anak pati na rin ang pagkain ng pamilya. May maliit na rin siyang sari-sari store na nagsimula lamang sa halagang P500. Patunay itong sa taong masipag, hindi problema ang puhunan. Puwedeng ibenta kahit ano. Banana cue, camote cue, isaw, kahit pa cassava macaroons. Hindi dahilan ang kahirapan upang magnakaw dahil maraming paraan upang mabuhay.
Comments are closed.