3,000 TESDA SCHOLARSHIP SA MILF, MNLF

TESDA-DG-Aguiling-Mamondiong

NAGLAAN  ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng 3,000 scholarship slots sa grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) para sa libreng pagsasanay.

Ayon  sa pahayag  ni TESDA Director General Aguiling  Mamondiong, pangunahing layunin nito ay  matulungan ang mga miyembro ng  MILF at MNLF na maiangat ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga libreng kasanayan at assessment  upang mabigyan sila ng trabaho, pangkabuhayan at gawin silang aktibong lumahok sa iba’t ibang  development programs ng gobyerno.

“The target beneficiaries are the MNLF and MILF in ARMM communities to empower and uplift their lives along with others belonging in the marginalized sectors through employment and livelihood opportunities,” ani Mamondiong.

Ang target beneficiaries ay 1,000 MILF at MNLF mula sa Lanao del Sur; 1,000 sa Maguindanao at 1,000 para sa Sulu, Basilan, Tawi-Tawi at Zamboanga.

Dagdag pa ni Mamondiong, ang naturang programa ay iniaalok din sa pulahang grupo na Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

“Itong programa ay ibinibigay natin sa mga kapatid natin na kasama sa CPP-NPA armed combatant,” anang Mamondiong.

Ang mga makatatanggap ng scholars ay sasanayin sa iba’t ibang  sektor ng Agriculture, Automotive, Construction, Tourism, Metals and Engineering, Heating, Ventilations, Airconditioning and Refrigeration, Semi-conductor, Electronics, Furnitures and Fixtures, Garment and Textile,  Health, Social at iba pang community development services.

Sinabi ni Mamondiong, na ang mga scho­lar ay pagkakalooban ng libreng skills training; lib­reng assessment at training support fund.

Ang  beneficiaries ay sasanayin sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) na hindi lalagpas sa loob ng 40 araw.

Kaugnay nito, nanawagan si Mamondiong sa mga  miyembro ng MNLF at MILF na samantalahin ang pagkakataon at magtungo na sa TESDA Offices sa Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga at Basilan upang magpatala sa libreng pagsasanay na iniaalok ng ahensiya.     MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.