SINABI ni Budget Secretary Benjamin Diokno na sanhi ng kakulangan sa edukasyon at kuwalipikasyon ng maraming Pinoy na tambay dahil nagpabaya sa kanilang pag-aaral, umaabot sa mahigit 300,000 iba’t ibang posisyon sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang hindi mapunan at nakapanghihinayang na maaaring i-abolish o alisin sa plantilla sa hinaharap.
Labis ang panghihinayang ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III sa napakaraming bakanteng posisyon na pinaglaanan ng malaking pondo para sa mga mamamayang Pinoy na walang trabaho.
Ayon kina Diokno at Dominguez, kabilang sa mga bakanteng posisyon sa gobyerno na hindi mapunan ay ang mga sumusunod: 125,179 para sa teaching/teacbing related personnel; 90,327 sa general civil servants; 34,306 sa military and uniformed personnel; at 13,914 sa medical and allied medical workers o kabuuang 263,726, hindi pa kasama rito ang napakarami pang bakanteng posisyon sa Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs, Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Department of Health, Department of Education at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Paliwanag ng Department of Budget and Management, hindi suweldo ang dahilan para hindi mapunan ang nasabing mga posisyon dahil mayroon namang inilaang budget ang gobyerno para rito at bunga na rin ng umiiral na salary standardization law.
Sina Diokno at Dominguez ay kapuwa nagsabi na sa pagtatapos ng taong 2018 ay madadagdagan na naman ang ‘job vacancies’ sa gobyerno na aabot sa 25,000.
Paliwanag nila, may inilaang budget ang gobyerno para sa nasabing mga posisyon at ang kailangan na lamang ay maipasa ang pagsusulit na ibinibigay ng Civil Service Commission sa mga aplikanteng nais magtrabaho sa gobyerno.
Nang tanungin ang CSC kung bakit hindi mapunan ang mga bakanteng posisyon sa gobyerno, ipinaliwanag nito na, “Dagsa ang mga aplikante, ang problema, maraming hindi makapasa sa passing rate para makuwalipika sa isang partikular na posisyon sa pamahalaan.”
Ayon kay CSC Officer-In-Charge Rafael Prado, isa sa mga salik sa pagbagsak sa pagsusulit ng mga aplikante ay ang kakulangan ng edukasyon at kuwalipikasyon sa inaaplayang trabaho. Ang nationwide passing rate ay 11 to 12 percent na lamang. Mababa na ang passing rate na ito kung tutuusin, subalit labis na nakapagtatakang hindi pa rin maipasa ng karamihan sa mga examinee na siyang pinakamalaking problema.
Dito natin makikita ang kahalagahan ng edukasyon para maging kuwalipikado sa isang posisyon sa gobyerno. Kung tutuusin, mas malaki ang suweldong tinatanggap ng mga nasa gobyerno kaysa sa mga nagtatrabaho sa pribadong kompanya dahil sa maraming benepisyo na tinatamasa ng mga ito.
Dahil na rin sa panghihinayang ni Pangulong Digong na ma-abolish o tuluyang mawala sa plantilla ang nabanggit na mga bakanteng posisyon sa gobyerno, inihayag ng Malacanang sa pamamagitan ni Special Assistant to the President (SAP) Secretary Christopher ‘Bong’ Go na ngayong buwan ay ilulunsad ang programang ‘JOBS, JOBS, JOBS’ bilang infra-building advances sa ilalim ng pet project ni Presidente Duterte na ‘BUILD BUILD BUILD’ na pangungunahan nina Dominguez at Diokno.
Katuwang mismo ni Pangulong Duterte sa BBB sina BIR Commissioner Caezar ‘Billy’ Dulay at BOC Commissioner Isidro ‘Sid’ Lapeña sa pamamagitan ng puspusang pangongolekta ng buwis.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.