300K MT SUGAR IMPORTS

SUGAR IMPORTS

PAPAYAGAN ng pamahalaan ang pag-angkat ng 300,000 metric tons (MT) ng refined sugar upang madagdagan ang supply ng bansa at mapababa ang mataas na retail price ng sweetener

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol, ipinanukala at sinusuportahan ng sugar planters ang pagbubukas ng panibagong round ng importasyon upang mapababa ang presyo ng asukal sa mga pamilihan.

Gayunman, ang pag-angkat ay para lamang sa retail market, hindi tulad sa naunang round na para sa industrial users.

“Yes because the importation will be solely for the consumer market,” wika ni Piñol nang tanungin kung nakikita niya na ang 300,000-MT import volume ay sapat para mapababa ang retail prices ng asukal.

“That was the condition set by the sugar stakeholders,” aniya pa.

Ang desisyon na umang­kat ay tinalakay sa isang diyalogo sa sugar planters, millers, Sugar Regulatory Administration (SRA) board at kay Sen. Miguel Zubiri noong nakaraang linggo.

Sinabi pa ni Piñol na hindi hihingi ang mga sugar planter ng royalty payments, hindi tulad sa naunang importations kung saan ang mga interesadong importer ay kailangang bumili ng import rights mula sa kanila.

Ayon sa sugar industry stakeholders, ang naunang importation program na 200,000 MT ay hindi nakatulong para mapababa ang retail prices dahil malaking bahagi nito ay napunta sa industrial users tulad ng beverage makers.

Kinumpirma ni United Sugar Producers Federation of the Philippines President Manuel Lamata na ang sugar planters ang nagpanukala sa pag-angkat ng asukal bilang suporta sa hakbang ng administras­yong Duterte na matugunan ang inflation.

“It is about time to help the President. He helped us to fight against Coca-Cola where he backed us up to put up [higher] excise tax on high fructose corn syrup,” ani Lamata.

Sa kanilang panukala, ang 300,000 MT ng asukal ay darating sa Oktubre kung saan ang 200,000 MT ay agad ipamamahagi sa retail market.  Ang na­lalabing 100,000 MT ay magsisilbing bufferstock,  na may klasipikasyon na reserved, na ipalalabas lamang sa merkado sa sakaling hindi bumaba ang presyo. JASPER ARCALAS

Comments are closed.