300K OFWs LIGTAS NA NAKAUWI SA BANSA

OFWs-14

LIGTAS na nakabalik sa bansa ang mahigit sa 300,000 Overseas Filipino Workers(OFWs).

Lumalabas sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), may 320,000 OFWs na umuwi sa bansa dulot na rin ng epekto ng COVID-19) pandemic.

Sa report na natanggap ni  Labor Secretary Silvestre Bello III mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA),  ang 319,333 OFWs ay nakauwi na sa kani-kanilang probinsiya makaraang magnegatibo sa COVID-19 test.

At ngayong buwan lamang ng Nobyembre, may 38,516 OFWs ang naihatid sa rin kani-kanilang lalawigan.

Sagot ng OWWA ang hotel accommodation at pagkain ng mga OFW habang naghihintay ng resulta ng COVID-19 test nang dumating sa Manila at ihahatid sila ng ahenisya pauwi ng kanilang probinsiya.

“There is no stopping the government from extending the assistance to our dear OFWs. We have also enhanced our live-lihood programs for the reintegration of our returning heroes,” ani Bello.

Ayon pa sa kalihim, patuloy na minomonitor ng DOLE’s foreign posts ang sitwasyon ng mga OFW sa ibang bansa para sa pagbibigay ng tulong.

Ikinatuwa din ng kalihim ang report mula sa

Philippine Overseas Labor Offices  na malaking bilang ng mga OFWs na tinamaan ng COVID-19  ay gumaling na.

“We are glad to note that we have a very good recovery rate among our COVID-stricken OFWs,” pahayag ng kalihim. LIZA SORIANO

Comments are closed.