NASA 301 barangay officials ang kinasuhan sa Department of Justice (DOJ) dahil sa maanomalyang pamamahagi ng Social Amelioration Program cash assistance.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, sinampahan ng Philippine National Police- Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng kasong graft ang mga barangay official.
Paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 11469 (Bayanihan to Heal as One Act) at paglabag sa RA 11332 (Law on Reporting of Communicable Diseases) ang mga isinampa sa mga ito.
Ayon kay Año, lumobo ang nasabing bilang dahil tuloy tuloy na nagdadatingan ang mga pangalan ng mga opisyal ng barangay na sinasabing sangkot sa anomalya sa SAP distribution.
Kabilang sa anomalya ng mga opisyal ng barangay ay ang pagkakasama ng pangalan ng mga kaanak ng mga opisyal nang malantad ito sa mga ipinaskil na listahan sa barangay hall.
Ilan sa mga barangay officials ay mula sa Maynila at lalawigan ng Bulacan.
Nagbabala ang DILG na may paglalagyan ang mga nasabing tiwaling barangay officials.
Milyon-milyong pamilya ang nakinabang sa first tranche ng pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng SAP ng DSWD noong buwan ng Abril hanggang Mayo.
Sa second tranche naman ng SAP distribution o payout ay ginawa na itong cashless o ipadadala na lamang ang pera sa benepisyaryo sa pamamagitan ng ATM o electronic money transfer.
Comments are closed.