MAYNILA- MAKARAAN ang halos dalawang linggong gamutan, gumaling na ang isang pasyente ng coronavirus disease (COVID-19) kaya sumampa na sa 52 ang napauwi mula sa hospital confinement.
Ikinagalak naman ng Department of Health (DOH) ang pagrekober ng hindi pinangalanang pasyente at ito ay pinauwi na.
Gayunman sa case bulletin number 20 ng DOH, nadagdagan ng 385 ang infected ng coronavirus kaya umabot na sa 3,018 pasyente ang patuloy na ginagamot sa iba;t ibang ospital sa bansa.
Samantala, nadagdagan naman ng 29 na pasyente ang bigong maisalba ng mga doctor mula sa nasabing sakit.
Kasama rito ang dalawang pulis kung saan umakyat na sa 136 ang nasawi sa coronavirus.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Beverly Ho, special assistant to Health Secretary Francisco Duque III na kaya mataas ang idinagdag sa bilang ng nasawi ay dahil sa late reporting.
Aniya, hindi sabay-sabay sa iisang araw pumanaw ang dagdag na 29 kundi nahuli lamang ng reporting.
Umaasa naman ang DOH na sa susunod na panahon ay mapipigilan ang pagkakahawa-hawa ng sakit dahil dagsa na ang COVID-19 test kits para ma-detect ang infected at magamot agad. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM