PINANGANGAMBAHANG maging COVID-19 hotspot ang mga kulungan sa Navotas matapos na sumipa sa kabuuang 3,071 ang mga nahuling sumuway sa mga patakaran ng citywide COVID-19 lockdown.
Umabot na sa 2,910 ang nahuling lumabag na nasa hustong gulang at 161 naman ang menor dahil sa pagsuway sa safety measures, kaya’t posibleng mas malaki ang tsansa na nahawaan sila ng nasabing sakit, nakapanghawa na, at makapanghawa kung saang pasilidad man sila nasadlak.
Kaugnay nito, hinimok ni Mayor Toby Tiangco ang nasasakupan na makilahok sa libreng COVID-19 community testing ng lungsod.
Epektibo kahapon, Hulyo 22, dinagdagan ng Navotas ang bilang ng mga residenteng inihahatid kada araw sa Palacio de Maynila swabbing center mula 300 paakyat sa 1,000 kung saan tina-target ang mga close contacts ng COVID-positive patients at mga boluntaryong gustong magpasuri.
Magdaraos din ang lungsod ng lockdown swab testing mula ngayong araw hanggang Hulyo 25 para sa 3,000 residente kung saan bibigyang prayoridad ang mga senior citizen, buntis, menor-de-edad at persons with disability. VICK TANES
Comments are closed.