30K COMMUTERS APEKTADO SA TIGIL-BIYAHE NG PNR

INAASAHANG aabot sa 30,000 commuters ang maapektuhan sa pansamantalang pagsasara ng Philippine National Railways (PNR) sa darating na Mayo.

Ayon kay PNR general manager Jeremy Regino, ang operasyon ng PNR ay pansamantalang ititigil upang bigyang daan ang konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.

Batay sa ulat, unang ihihinto ang operasyon sa biyaheng Alabang papuntang Calamba.

Pagsapit ng Oktubre ay hihinto naman ang Tutuban patungong Bicutan o Tutuban hanggang Alabang at Governor Pascual mula Malabon hanggang Tutuban.

Gayundin, sinabi ni Regino na maaari pa ring ilipat ang mga petsa para sa paghinto ng operasyon.

Kasabay nito, gumagawa na rin ang PNR ng mga alternatibong paraan ng transportasyon sa tulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan.

Nauna nang sinabi ni LTFRB Tech Division head Joel Bolano na ang mga jeepney at bus ay gagamitin para dagdagan ang pangangailangan sa transportasyon ng mga apektadong commuters. PAUL ROLDAN