30K HOUSING UNITS ITATAYO PARA SA MGA CEBUANO

MAGLALAAN ng 30,000 housing units ang pamahalaan para sa mga residente ng Cebu.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa tulong ng Department of Human Settlements and Urban Development (DSHUD), kailangan ng tirahan ng mga taga-Cebu at ito ay maisasakatuparan sa paglulunsad nitong Lunes ng Cebu City South Coastal Urban Development Housing Project.

Sa kanyang talumpati sa groundbreaking ceremony ng proyektong pabahay, sinabi ni Pangulong Marcos na isang malaking hamon para sa DSHUD na magtayo ng humigit-kumulang isang milyong mga yunit ng pabahay bawat taon sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Gayunpaman, itinuro ng Punong Ehekutibo na tiwala siyang hindi imposible na makamit ang kanilang target.

“Sa tulong ng mga masisipag na kawani ng DHSUD, na pinangunahan ni Secretary Jerry Acuzar, naniniwala akong kayang-kaya natin itong makamit sa ilalim ng aking panunungkulan,” ani Marcos.

Kaya naman hinamon nito ang DHSUD na manatiling matatag upang matupad ang pangakong mura at maayos na pabahay.

Sinabi naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na may sapat na pondo para sa programang pabahay ng Pangulo.

Si Speaker kasama ang iba pang lokal na opisyal ng Cebu, kabilang sina Governor Gwendolyn Garcia at Cebu City Mayor Mike Rama, ay dumalo rin sa groundbreaking rite.

Ang housing project sa Alumnos, Basak San Nicolas, Cebu City ay ipinatupad sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) ng administrasyong Marcos.

Ang buong South Coastal Urban Development Project ay binubuo ng tatlong bahagi sa iba’t ibang lugar sa Cebu City, na sumasaklaw sa kabuuang 60 ektarya.

Sa datos na hawak ng pamahalaan, mayroong humigit-kumulang 6 na milyong backlog sa mga yunit ng pabahay sa Pilipinas.

Sa ilalim ng proyektong 4PH, sinabi ng Pangulo na ang kanyang administrasyon, sa pamamagitan ng DSHUD, ay nagsisimula sa pagtukoy at paghahanda ng mga lupa kung saan itatayo ang pabahay.
EVELYN QUIROZ