(ni CT SARIGUMBA)
PAANO nga ba dapat na umawra ang isang tao? May edad nga ba ang pagiging fashionista o stylish? Kailangan bang may sinusunod na batayan?
May kanya-kanyang style ang bawat isa sa atin. May ilan na maganda kung manamit at kapag tiningnan mo, matutuwa ka’t hahanga sa kung paano sila mag-style. May ilan naman na mapapansin mo ang pagiging trying hard na maging fashionista.
Kung tutuusin, mahahalata naman talaga sa isang tao kung magaling siyang manamit o mahilig lang siyang manggagaya sa style ng iba. Minsan kasi, kapag nanggagaya tayo ng style nang may style, hindi natin napapansin kung bagay ba ito o hindi sa atin. Dahil nga, nakapokus tayo sa look o hitsura nu’ng taong ginagaya natin ang klase ng pagdadamit at hindi natin napagtutuunan ng pansin kung okay ba o hindi sa ating kabuuan ang look na ginagaya natin. May ilan kasing hindi mawari kung ano ang bagay sa kanila. Kaya naman, sa mga nasa 30’s na at hirap pa riong mag-isip ng look na babagy sa kanila, narito ang ilang style tips na puwede ninyong subukan.
STYLE TIPS PARA SA MGA KABABAIHAN
Sa pagitan ng lalaki at babae, mga kababaihan talaga ang napakahilig magsuot ng magaganda at maayos. Wala nga namang babae ang nagnanais na mapag-iwanan ng panahon lalo na kung look at look lang din ang pag-uusapan.
Ngunit hindi nga naman lahat ng kababaihan ay may kaalaman sa kung ano ang babagay sa kanila at hindi. Kaya naman, narito ang ilang style tips sa mga kababaihang nasa 30’s na ang edad:
BLAZER. Isa ito sa hindi dapat mawala sa wardrobe ng kahit na sino. Importante nga naman ang pagkakaroon ng blazer nang mayroong magamit kapag kinailangan. Halimbawa na lang kapag may meeting sa opisina o may pupuntahang event na kailangang nakasuot ng blazer o business attire.
Swak na swak din iterno ang blazer sa kahit na anong dress, pants at skirts.
JUMPSUITS. Isa rin ang jumpsuits sa hindi nawawala sa kinahihiligan ng marami dahil classy nga naman itong tingnan. Komportable rin itong suotin at bagay sa kahit na sino. Swak na swak din itong suotin sa kahit na anong okasyon.
FANCY FORMAL DRESS. At dahil nga naman paniguradong maraming imbitasyon ang mga kababaihang nasa 30’s, hindi siyempre puwedeng mawala ang mga fancy formal dress. Kaya naman, kailangang maghanda ka na nang may mag-invite man sa iyo sa party o may friend kang ikakasal, may maisusuot ka.
BOYFRIEND JEANS. Isa rin sa masarap suotin sa trabaho man o galaan ang boyfriend jeans. Classy nga naman ito at napakakomportableng su-otin at bagay pa sa kahit na anong pang-itaas. Swak na swak din ipartner dito ang sneakers at sling bag.
Sa pormang ito, tiyak na hinding-hindi ka mapag-iiwanan ng iyong mga kaedaran.
MAXI DRESS. Kung ikaw naman ang tipong ayaw o hindi komportableng nakikita ang legs, swak naman sa iyo ang maxidress. isa rin ito sa piece o outfit na dapat ay hindi nawawala sa kahit na sino.
Komportable rin itong suotin at bagay sa kahit na anong okasyon. Marami ring klase, kulay at design ng maxi dress ang maaari nating pagpilian.
BLACK PUMPS AT SNEAKERS. Siyempre, hindi kompleto ang revamp ng look kung kaliligtaan ang black pumps at sneakers.
Sa mga pormal na pagtitipon ay swak na swak nga namang suotin ang black pumps. Samantalang sa mga simpleng okasyon naman, swak ang sneakers. Sa kahit na anong klaseng damit din ay puwedeng-puwede mong iterno ang sneakers.
Napakarami naman talagang puwede nating pagpiliang outfit na babagay sa atin. Basta’t maging matalino sa pagpili. At siguraduhin ding bagay sa iyo ang pipiliing outfit.
STYLE TIPS PARA SA MGA KALALAKIHAN
Dahil marami rin namang kalalakihan ang magaling pumorma o gustong pumorma, narito naman ang ilang tips na dapat isaalang-alang sa tuwing pipili sila ng kanilang susuotin:
UNSTRUCTURED BLAZER. Hindi lamang mga kababaihan ang dapat na mayroong blazer, kundi maging ang mga kalalakihan. Swak na swak nga naman ang unstructured blazer sa formal man o casual na okasyon.
KNEE-HIGH SHORTS. Maganda ring tingnan ang knee-high shorts sa mga kalalakihan.
Swak na swak din itong suotin kung magtutungo sa beach, bar o kaya naman sa mall. Puwede ring ipares dito ang sneakers.
SWAK NA WATCH. Kung mayroon mang isang accessory na dapat mayroon ang kalalakihan, iyan ang watch.
Kaya naman, pumili ng swak na watch na babagay sa iyo nang may masuot na makapagdaragdag ng ganda sa iyong look.
JEANS ALTERNATIVES. Kadalasan nga naman, jeans ang isinusuot ng mga kalalakihan. Ito nga naman ang pinakamadali at komportableng su-otin. Pero hindi lang dapat isang pirasong jeans mayroon ang isang lalaki, kundi ilang piraso nang may maipampalit.
Hindi rin ambilang na kalse ng damit ang maaaring ipares sa jeans kagaya ng mix at match shirts at sleeves.
Wala namang tama o mali sa pagpili at pagsusuot ng outfit. Pero siyempre, bukod sa pagiging komportable nito, kailangan ding bagay sa iyo ang pinili mo nang magtagpo o maging swak kumbaga ang look mo at ang iyong kabuuan.
Kasi kahit na sabihin nating sobrang ganda ng suot mo, kung hindi naman ito bagay sa iyo, mawawalan din ng silbi.
Kaya’t maging matalino sa pagpili ng outfit. Ang mga ibinahagi naming ay ilan lamang sa puwede ninyong subukan o maaari ninyong maging gabay. (photos mula sa fashion.ie, pinterest, t3.com, g3fashion.com)
Comments are closed.