(30th SEA Games) FIL-AM ‘OUT’ SA ATHLETICS

Anthony Trenten Beram

PITONG buwan pa bago ang mainit na bakbakan sa 30th Southeast Asian Games, dalawang ginto agad ang pinaniniwalaang nawala sa athletics sa pag-atras ni double gold winner Filipino-American Anthony Trenten Beram na hindi na bumalik sa Pinas mula sa Connecticut, United States.

Hindi sinagot ni Beram ang lahat ng tawag ni PATAFA president Philip E. Juico, dahilan para mapilitan siyang tanggalin ang pangalan nito sa roster sa athletics na pinangungunahan nina Brazil Olympian at World Athletics veteran Texas-based Filipino-American Eric Shawn Cray at reigning marathon queen Mary Joy Tabal.

Kasama rin sa line up si reigning SEA Games triple jump champion, kasalukuyan pole vault ruler at reigning decathlon winner Aries Toledo.

“I called him many times in his residence he didn’t answer all my calls. So, I decided to drop his name in the roster of athletes. His refusal to answer my calls showed he doesn’t want to join the national team,” sabi ni Juico sa ­eksklusibong panayam ng ­PILIPINO Mirror.

“I really wanted to have him in the team. It seems he’s no longer interested to play for us. Na-in love yata sa kanyang girlfriend kaya hindi na sumali,” wika Ni Juico.

Nanalo si Beram sa 200m at 400m sa nakaraang SEA Games sa Malaysia at inaasahang muli niyang dodominahin ang kanyang dalawang paboritong events na pinagharian niya ulit sa foreign- flavored National Invitational Athletics Cham­pionship na ginawa sa Ilagan, Isabela.

Sinabi ni Juico na nanghihinayang siya sa hindi pagsali ni Beram sa SEA Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

“Malaking bagay si Beram in our medal campaign in the SEA Games. Wala tayong magagawa kung ayaw na niya,” ani Juico.

Sa kabila ng hindi pagsali ni Beram ay optimistiko pa rin si  Juico  na maraming medalya ang makukuha ang athletics dahil sa Pinas gagawin ang SEA Games at lahat ng atleta ay mataas ang morale at determinadong manalo at pasayahin ang kanilang mga kakabayan.

“Since we are the host and less expensive, we will field many athletes. We will maximize our efforts and utilize all available resources from our arsenal to win more medals,” dagdag ni Juico. CLYDE MARIANO