PORMAL ng idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na 100 percent drug free na ang lahat ng Barangay sa San Juan City.
Sa isang simple ng seremonya, inihayag ni PDEA Regional Director Emerson Rosales na ang 31 Barangay ng San Juan City ay drug free na siyang kauna-unahang lungsod sa Metro Manila na nakakamit nito.
Ang pagdedeklara ay kasunod ng pagiging full-drug cleared ng natirang tatlong barangay na kinabibilangan ng Barangay West Crame, San Perfecto at Batis.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si San Juan Mayor Francisco Zamora sa naging deklarasyon kasabay ng pahayag nito na target nila ngayon na idineklarang drug free ang buong Lungsod.
Sinabi pa ni Zamora na makakatulong ito upang mapanatili nila ang pagiging lowest crime rate na lungsod sa Metro Manila.
Anang alkalde, gusto niyang makita ang mga dating gumagamit ng droga ay bumalik na sa normal na buhay.
Dagdag pa nito, may bagong livelihood opportunities, skills at training center ang Bañay Silangan na isang tunay na drug reformation facility na may classrooms para sa livelihood training, quarters na puwede tulugan at mayroong PDEA office at CADAC office.
Inaasahan na matatapos ang four-storey facility sa loob ng 6 na buwan na itatayo sa likod ng Pinaglabanan Shrine. ELMA MORALES