31 NARCO-CELEBS ILANTAD

Oscar Albayalde

SANG-AYON si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde na ilantad ang pangalan ng mga artistang nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nauna nang inihayag ng PDEA na may 20 artistang lalaki at 11 aktress ang nasa drug watchlist na kasalukuyang nakasalang sa validation at re-validation ng mga intelligence operative ng gobyerno.

Ani Albayalde, marapat lamang na isapubliko ang pangalan ng celebrities para maging patas para sa lahat kung makikilala ang mga ito gaya ng ginawang paglalantad sa mga narco politician.

Gayunpaman, ayon kay Albayalde, ang paglalabas ng pangalan ay nasa desisyon na ng PDEA, Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Office of the President  (OP) bagaman kasama sila ang PNP sa nagsasagawa ng revalidation sa nasabing listahan.

Magugunitang, inihayag ni PDEA Director Aaron Aquino na posibleng umabot pa sa 100 artista ang mapapasama sa kanilang listahan oras na idagdag ng iba pang ahensiya ng gobyerno ang mga pangalang nasa kanilang listahan.

Inihayag din ni Albayalde na noong siya pa ang pinuno ng PNP-National Capital Region Police Office ay nasa 50 celebrities ang nasa drug watchlist na hawak nila.

Subalit, nilinaw na ni Aquino na hindi siya pabor na ilabas ang nasabing listahan dahil kailangan pa itong isailalim sa validation at re-validations.

Inihayag naman ni Albayalde na kaila­ngan pa nilang mangalap ng ebidensiya laban sa mga artistang sangkot sa droga bago maghain ng kaso.         VERLIN RUIZ