INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na nasa kabuuang 31,178 indibidwal ang apektado ng ipinaiiral na granular lockdowns ng pamahalaan sa buong bansa hanggang noong Lunes.
Sa Talk to the Nation ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ni Año na naging epektibo ang pagpapatupad ng granular lockdowns upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Malaking tulong din ang malawakang pagbabakuna ng pamahalaan para maprotektahan ang mga mamamayan laban sa virus.
“Makikita po natin na very effective ang ating ginagawa na granular lockdown alongside sa ating bagong alert level system. Ito na rin po ay dala dahil sa epektibo talaga ang ating pagbabakuna,” dagdag pa ng kalihim.
Nabatid na nasa 432 areas ang nasa ilalim ng granular lockdown, na nakakaapekto sa 7,232 households sa may 283 barangays.
Base naman sa datos na iprisinta ng DILG chief, walang granular lockdown na ipinaiiral sa Central Luzon, Calabarzon, Eastern Visayas, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro. EVELYN GARCIA