(Ni CT SARIGUMBA)
MASALIMUOT na at magulo ang mundo. May mga pangyayaring nangyayari nang hindi natin inaasahan. Hindi na rin mabilang ang mga sakit na nagkalat sa paligid na maaari nating makuha lalo na kung hindi tayo naging maingat.
At ngayong 2019, para maging mas masigla at masaya ang taon, narito ang ilan sa health tips na puwedeng subukan:
IWASAN ANG MAGPAGUTOM NANG HINDI BUMABA ANG ENERGY LEVELS
Marami sa atin ang naghihintay munang magutom nang sobra bago kumain. Pero isa ito sa dapat na iwasan nang hindi bumaba ang energy levels.
Higit sa lahat, huwag ding mag-skip ng pagkain. Tandaan nating ang pagkain ang nagbibigay ng lakas sa ating katawan at tumutulong upang gumana ng maayos ang ating utak.
Makabubuti rin kung paplanuhin ang mga kakainin nang masigurong healthy ang mga ito. Isang maaaring gawin ay isipin na sa gabi pa lang kung ano ang mga kakainin kinabukasan.
Siguraduhin ding healthy snacks ang kinahihiligan o kinakain nang mapanatiling malakas at malusog ang pangangatawan.
YAYAING MAG-EHERSISYO ANG MGA KAIBIGAN O KAMAG-ANAK
Bukod sa pagkain ng masusustansiya, isa pa sa kailangan nating isaalang-alang ay ang pag-eehersisyo. Hindi naman kailangang pumunta ka pa sa gym para lang masabi mong makapag-eehersisyo ka at mapananatili mong malakas at malusog ang pangangatawan. Kahit sa bahay lang ay maaari kang mag-ehersisyo.
Marami na ang mga paraan para makapag-ehersisyo sa bahay. Nariyan ang ilang platforms o social media na maaaring magamit o maging gabay sa pag-ehersisyo.
Hindi rin naman kailangang mabibigat o matitindi ang ehersisyong gagawin. Kahit na ang simpleng pagtakbo at paglalakad ay swak na para mapanatili ang healthy na pangangatawan ngayong 2019.
GAWING BEST FRIEND ANG TUBIG
Kung nakadarama ng pagod, maaaring sanhi iyan ng dehydration. Kaya naman, sa mga hindi mahihilig sa tubig, gawing best friend ang tubig.
Mahalaga sa katawan ang tubig. Basic metabolic requirement ang water. Kaya naman, siguraduhing nakaiinom ka ng tubig sa araw-araw.
Huwag ding hintaying mauhaw bago uminom ng tubig.
Sa tuwing aalis din ay magbaon ng tubig. Kapag magtatrabaho naman, maglagay sa tabi ng tubig nang mauhaw man, may maiinom kaagad.
Kadalasan kasi, kapag nagtatrabaho tayo ay kinatatamaran natin ang tumayo para kumuha ng tubig. Kaya’t para maiwasan ang katamarang tumayo at mauhaw, maglagay ng tubig sa lamesa.
BALANSEHIN ANG MGA BAGAY-BAGAY O ASPETO NG BUHAY
Napakaimportante ring nababalanse natin ang mga bagay-bagay. Gaya na lamang ng pamilya at trabaho.
Kailangan ding matutunan nating balansehin ang mga aspeto ng buhay— ang mind, body, spirit, family at social.
Kung balanse ang mga bagay-bagay o ang bawat aspeto ng buhay, magiging relax at mapananatiling malusog ang katawan at isipan.
MAGLAAN NG PANAHONG MAKAPAG-RELAX
Napaka-stressful nga naman ng buhay, lalo na sa panahon ngayon na patuloy ang pagtaas ng mga bilihin ngunit ang kinikita naman ng ordinaryong manggagawa ay hindi naman sumasapat.
Hindi kailanman nawawala ang stress sa buhay ng tao. Lagi’t lagi iyang bumubuntot-buntot sa atin.
Gayunpaman, kailangang matutunan nating mag-relax. Hindi puwedeng puro na lamang trabaho ang kahaharapin natin. Mainam din kung maglalaan tayo ng panahong makapagpahinga nang makapag-relax naman ang ating katawan at isipan.
Bumababa ang energy level kapag nakadarama ng stress—mental man o emosyunal. Kaya para maiwasang maging drain at pagod, maglaan ng panahong mag-relax. Puwede kang mag-swimming. O kaya naman, magpa-massage. Mainam din ang pagyo-yoga para ma-relax ang kabuuan.
BIGYAN NG REWARD ANG SARILI
Mainam ding bigyan mo ng reward ang iyong sarili. Hindi naman tamang trabaho ka nang trabaho tapos hindi ka naman magpapahinga o magbabakasyon.
Mahalaga ang pagbabakasyon at pagpapahinga para sa overall health. Kaya naman, kahit na sobrang abala sa pagtatrabaho, paminsan-minsan ay maglaan ng panahong makapagpahinga at makapagbakasyon.
Maaari rin namang bilhan ng mga gustong bagay ang sarili nang sumaya.
Maraming paraan para maging masaya at masigla ang ating buong taon. Kaya naman, subukan ang ilan sa tips na ibinahagi namin.
Comments are closed.