INILABAS ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang datos na sinasabing nasa 315,635 ang naaresto ng ahensiya sa mga inilunsad nilang anti-illegal drug operations.
Subalit,umaabot naman sa may 6,215 ang namatay sa ikinasang 218,665 anti- narcotics operations ng kanilang mga operatiba.
Kaugnay nito, sinasabing nasa 13,821 high value targets (HVTs) naman ang naaresto, bukod pa sa 3,785 target-listed suspects, 1,422 drug den maintainers, 795 drug group leaders/members, 509 government employees, 393 elected officials, 349 foreigners, 284 na nasa wanted lists, 124 uniformed personnel, 75 armed group members at 24 prominent personalities ang kanilang na neyutralisa.
Ipinagmalaki naman ni PDEA Public Information Office chief Director Derrick Carreon na base sa kanilang datos ay nakapagdeklara ang ahensiya ng higit 23,000 barangays sa buong bansa ang libre na sa lahat ng uri ng ipinagbabawal na gamot.
Hanggang nitong nakaraang Oktubre 31 ay nasa 23,270 ng 42,045 barangays sa bansa ang idineklarang drug-cleared base sa Real Numbers data na inilabas ng PDEA sa pagsisimula ng administrasyong-Duterte.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng mga operasyon laban sa droga ng PDEA,maging ng PNP para sa 12,125 barangays na may mga nagbebenta at gumagamit pa ng droga.
Tiniyak naman ni PDEA Director General Wilkins Villanueva na hingit pa nilang paiigtingin ang kanilang war on drugs pagpasok ng bagong taon. VERLIN RUIZ