KASALUKUYANG nagsasagawa ng background investigation ang Philippine National Police at maging ang Armed Forces of the Philippines sa pagkatao ng may 32 hinihinalang miyembro ng private armed groups na dinakip sa Laguna, ilang araw bago ang halalan sa Lunes, Mayo 9.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon ng PNP na mga dating miyembro ng AFP At mga reservist ang mga naaresto.
Nais alamin ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia sa mga awtoridad kung may kinalaman sa eleksiyon ang mga aktibidad ng mga inaresto.
Nabatid na inaalam din ng mga imbestigador ang posibleng koneksiyon ng mga ito sa sinumang lokal na kandidato sa Laguna at kung may kinalaman ang kanilang aktibidad sa nalalapit na halalan.
Ayon kay PNP Spokesman Col Jean Fajardo, oras na mapatunayan na may kinalaman sa halalan ang aktibidad ng mga naaresto ay sasampahan nila ang mga ito ng kaso kasama na ang mga taong nasa likod ng mga ito. VERLIN RUIZ